Ilang Obserbasyon tungkol sa Implementasyon ng Mtb-mle

[NOTE: Reading Dr. Cena’s email reminds me of the reason why I decided to drop out of grade school after the first week in grade 1: English and later, Tagalog — the MOI — were both foreign to me. There I was, thinking it would have been soooo very much easier to teach me any thing at that point in my life if the teacher (who was an Ilocana herself) taught us in the language all of us in that grade 1 classroom already knew…  JP]

From: MLE-Philippines@yahoogroups.com [mailto:MLE-Philippines@yahoogroups.com] On Behalf Of Resty Cena
Sent: Friday, March 18, 2011 9:00 AM
To: MLE-Philippines@yahoogroups.com
Subject: Re: (MLE yahoogrp updates) Re: Executive Summary Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB MLE) – Philippines Strategic Plan

Tumusok sa ulo ko ang minsa’y narinig kong sinabi sa isang komperensya, na kailangang pagbutihin ang implementasyon ng Mtb-mle, sapagka’t kung pumalya, aabutin na naman ng ilang dekada bago uminit uli ang tubig at bisitahin ang isyo. Sang-ayon ako. 70ng taon bago natin natanggap ang kakulangan ng edukasyon na ang wika ng pagtuturo ay banyaga sa mga bata. Mga 35ng taon pa ang nagdaan bago natanggap na hindi rin sapat ang ani sa bilingual education: ilang klase sa inang wika at ilan pang klase sa banyagang wika (sa mga hindi Tagalog, sa bilingual education, dalawa sa halip na isang foreign language ang ginamit sa pagtuturo: Filipino at English). Sa aking palagay, ang nakakatakot kung hindi magtatagumpay ang kasalukuyang pagtatangka, o kung malaki ang kulang ng resulta sa inaasahan: Ano ang susunod? Mayroon pa bang ibang wika o kombinasyon ng mga wika ng pagtuturo na masusubukan? Tila nasa dulo na tayo ng lubid. Malungkot kung ang isang kilusan ay hindi magtatagumpay dahil sa ang tinutuntungang pilosopya ay matuklasan sa bandang huli na may kahinaan pala, pero lalong malungkot at kahina-hinayang kung mabibigo ang isang dulog, tulad ng mtb-mle, hindi dahil sa palso ang ideya, kundi dahil sa palsong implementasyon. Sino ang magkakalakas ng loob na tumayo sa entablado at magsabi, “Sorry po, nagkamali po ng implementasyon. Ulitin po natin.” Pinag-isip ako habang pinanunuod ang video na itinaas ni Joe Padre sa mle site, video ng mga batang kapos sa edukasyon, pero ang bumagabag sa akin ay kung bakit ang mga batang Pinoy ay kasing-antas sa edukasyon ng mga bata sa, halimbawa – makikiraan po – sub-Sahara Africa. Ang laki ng kaunahan natin. May public education na tayo mula pa noong mga 1900, bakit hanggang ngayon ay kulelat pa rin tayo. Nilagpasan na tayo ng mga kapit-bansa. Ang lagim naman kung 50ng taon sa kinabukasan, hindi dahil sa ano pa man kundi dahil sa kabyos sa implementasyon ng mtb-mle, ang mga batang Pinoy na lang ang natitira sa video.

May pagkakataon na mainam din naman na nasa labas ka at tumitingin sa loob – may mga bagay na mas malinaw sa nakatayo sa labas. Nasa labas ako ng mtb-mle, padalaw-dalaw sa ‘Pinas, papunta-punta sa komperensya, patingin-tingin. Sa aking paningin, dalawang pangyayari na kaugnay sa implementasyon ang nangangailangan ng kaunti pang ingat.

Una, ang pagsulong nang nag-iisa ng mga kababayan sa Rehiyon VII sa pagbuo ng ortograpya, gabay sa pagbaybay, gramatikang Cebuano, at mga katawagang pang-agham. Mahirap naman silang sisihin. Matagal nang dapat nabuo ang mga gabay na lalapat sa mga wikang Pilipino, pero ni sa Filipino ay walang pagkakasundo; kung mayroon man, nasa papel lang ang mga tuntunin. Ano ang hindi mainam sa maagang pagsulong ng mga kababayan sa Rehiyon VII? Hindi ako makakuha ng kopya ng mga sinulat na materyales, kaya’t malapit sa haka-haka lang ang aking pagtalakay:

Ipaglagay na, kung susundin ang mga binuong tuntunin sa ortograpya ng Cebuano, at may mga baybay na maiiba ang baybay sa mga katulad na salita sa Filipino, halimbawa, ang Fil. ‘niya’ ay Ceb. ‘nya’, ‘kaniya’ ay ‘kanya’, ‘pasensya’ ay ‘pasensiya’, ‘Diyos’ ay ‘Dios’. (Hindi mahalaga ang partikular na mga halimbawa; ang punto ay ang magkaibang baybay ng magkakatulad na salita.)

Sa paglipat sa Filipino, ang mga batang Cebuano ay magkakaroon ng dagdag na pasan: bagong baybay ng mga lumang salita. Gayon din, kung sa bagong gramatika ng Cebuano, ang mga katawagan ay batay sa mga salitang Cebuano, paglipat sa Filipino, mag-aaral uli sila ng panibagong katawagan. Pagdating sa Ingles, isang bagong terminolohiya na naman ang pag-aaralan – tatlong sistema ng katawagan sa isang set ng relasyon ng mga sangkap ng pangungusap. Dagdag na pasanin. Sa pagsulat ng balarila, kahit na magkakaibang wika ang mga wikang Pilipino, maaaring samantalahin ang bagay na magkakamag-anak sila, at mailantad ang kanilang pagkakatulad at pagkakaiba sa isang paraan ng paglalarawan na madaling makita at mapaghahambing ang mga katangian. Malaking tulong ang gayong komparableng balarila sa mga gumagawa ng leksyon, sa mga nagtuturo, at sa mga batang nangangailangan ng tulay para tumawid doon sa pambansang wika. Posibleng makabuo ng gayong mga balarila kung gagamit ng isang unipormeng modelo ng paglalarawan. Hindi mangyayari ito kung magkakakani-kaniyang lakad. Gayon din ang masasabi sa pagbuo ng mga katawagang pang-agham. Ang pinakamadaling paglipat ay iyong hindi na kailangang gawin pa.

Ang ikalawang bagay tungkol sa implementasyon na nakatawag ng aking pansin ay ang panukalang kurikulum sa Filipino. Narito ang panukala para sa unang grado. (Mula sa “Babasahin para sa Filipino Curriculum Summit,” post ni  Isagani R. Cruz sa http://www.dir.groups.yahoo.com/group/wikafilipino noong Pebrero 18, 2011. Ginanap ang pulong noong Pebrero 21.)

Taon 1

Kasanayan: Wika/Komunikasyon

Naisusulat ang mga pangalan ng kasambahay.

Nakabubuo ng payak na pangungusap.

Nakababása ng angkop-sa-antas (level appropriate) na mga salita.

Nabibigkas ang isinulat na pangungusap.

Natutukoy ang mga tao sa kaniyang komunidad (barangay at paaralan).

Nakabibilang ng 0-50.

Kasanayan: Panitikan

Nakikilala at nagagamit ang mga payak na anyong pampanitikan, lalo na ang alamat, pabula, kuwentong-bayan, awiting-bayan, at iba pang panitikang-bayan.

Nakasusunod sa dalawang-hakbang na panuto.

Nakasasagot mga tanong na literal at imperensiyal.

Nasusundan ang takbo ng mga pangyayari sa kuwento.

Nakikilala ang pag-uulit ng mga tunog, pantig, at salita, gaya sa tugma’t sukat ng tula.

Nakikilala ang katangian ng tauhan bilang bida o kontrabida o katulong sa istorya.

Produksiyon

Gumawa ng sariling kuwento

Bumigkas ng isang talumpati o piyesang pandeklamasyon.

– – –

Hindi binanggit sa dokumento kung ito’y para sa lahat ng mga bata sa buong bansa. Kung ito’y para sa mga bata sa katagalogan, may pag-asa na maabot ang bunga ng maaga. Pero mahihirapang masyado ang mga batang ang Filipino ay sinasalita lang sa klase sa Filipino sa eskuwelahan. Kahit na magkakamag-anak ang mga wika natin, magkakaibang wika sila. Ang sabi ng isang propesor ng lingguwistika sa UP, makatuwirang lapitan bilang isang banyagang wika ang pagtuturo ng Filipino sa mga hindi Tagalog. Iba ang yari ng kurikulum ng Filipino kung ituturing itong banyagang wika kaysa sa kurikulum kung ito ang kinagisnang wika. Sa aking palagay, makabubuti rin na ipagkatiwala ang pagsulat ng kurikulum sa mga arkitekto ng kurikulum na nagsasalita ng wika ng rehiyon, lalo na kung nakapagturo na sila ng Filipino sa mga bata sa rehiyon. Malawak ang karanasan nila sa kakayahang pangwika ng mga bata, at mga balakid sa pag-aaral ng Filipino, na naranasan na nila.

Salamat sa inyong pagbasa. Kung nasayang ko ang inyong panahon, may utang ako sa inyo. Sa ating pagkikita, ‘pag nakasulyap ka ng tindahan na may ice-cold beer, … ako ang bahala, mare, pare!

Resty

________________________________________________________________________

From PEAC: PILIPINO EDUCATORS & ADVOCATED COUNCIL:

“Dr. Resty Cena (is) an Independent Higher Education Professional doctorate from University of Alberta and a Linguistics Professor at the University of the Philippines-Diliman. He is an accomplished author of numerous books and text books on Filipino Language and Culture. He is a strong advocate and believer on the modernism of the Tagalog Language. He has done numerous and extensive studies, academic research and analysis on this field throughout his career. He is a well known respected academic professional in the Philippines. He is also frequently invited to Linguistics Seminars and Conferences around the world to teach his expertise on the Filipino language.”

8 thoughts on “Ilang Obserbasyon tungkol sa Implementasyon ng Mtb-mle

  1. Dear Manong Resty,

    Makisawsaw ako ng kaunti sa inyong usapan ni Dr. Lalas. I am so glad that a seasoned linguist like you is reflecting deeply about what is happening in our MTBMLE implementation strategy. We need your thoughts and input. I agree that we should be careful with our moves, but not to the point that we become fearful and paralyzed. There are so many open doors for MLE and we have to seize the moment. Some of us in the MLE movement are more aggressive but there are also those who are more tempered and cautious. I am glad we can balance each other. What we need now is to operationalize existing foundational concepts in MLE, especially the concept of bridging.

    I am especially interested with what you mentioned about uniform way of analyzing the structures of 3 languages. Do you have possible models in mind? Our goal in MLE is both language preservation and equal mastery in all 3 languages and so I believe that orthographies, primers, instructional materials and teaching strategies should reflect such framework. Each language should not be studied in isolation. We want to make learning and schooling easy and not burdensome to both pupils and teachers.

    Ched

    • Manang Ched,

      Maraming salamat sa paliwanag.

      Tungkol sa modelo ng paglalarawan ng wika na magagamit para bumuo ng komparableng paglalarawan ng L1, L2 at L3, isinabit ko sa paskel na ito ang kopya ng panimulang salita at kongklusyon sa isang libro na tinatapos ko. May maikling paliwanag doon. Sana’y makatulong.

      Tungkol naman sa pagsulat ng nasabing mga balarila, matagal nang balak ni Dr. Ricky Nolasco (kilala mo siya?) na ikulong sa isang lugar ang mga lingguwista na native speakers ng wikang sinasalita sa mga rehiyon, isa mula sa bawa’t rehiyon, sulatin ang balarila ng wika ng kanilang rehiyon, at huwag silang palalabasin hangga’t hindi nayayari ang trabaho. Maaaring magsimula sa Ilokano, Cebuano, Tagalog, at siyempre English. Sa paglalarawan, puntiryahin ang lebel na madaling isalin ang mga paksa sa aktuwal na leksyon.

      Nabanggit ang bridging ng tatlong wika. Ganito ang nakikita ko na activity sa klase, sa puntong tumutulay na ang mga bata. Halimbawa na ang aralin ay tungkol sa panghahambing ng mga katangian sa L2. Kailangang napag-aralan na ng mga bata ang katumbas na leksyon sa kanilang L1. Ibig sabihin, hindi lang alam nilang gamitin ang kanilang wika sa paghahambing ng mga katangian (na bahagi ng kompetensya at hindi na kailangang ituro); alam din nilang ipaliwanag kung paano binubuo ang mga salitang panghambing sa kanilang wika. Kahit na ang asignatura ay sa L2, Ang leksyon ay magsisimula sa paghahambing sa kanilang wika (para masiguro ng titser na alam ng mga bata ang konsepto). Ang mga halimbawang salita, parirala, pangungusap, ang sitwasyon o konteksto ng leksyon, ay magkakatumbas sa dalawang wika. Samakatuwid ang pag-aaralan nila ay ang katumbas na salita at paraan ng paghahambing sa L2. Unti-unting itutungo ng nagtuturo ang paksa at wika ng pagtuturo sa L2; kung kailangan, magpapabalik-balik siya sa L1 at L2. “Bakit hihinto doon?” ang tanong ni Dr. Nolasco. “Bakit hindi ituloy sa susunod na oras ang leksyon sa L3 naman?” Nakakaakit ang posibilidad na ito.

      Ilang implikasyon:

      1. Coordinated ang sequencing ng mga paksa ng leksyon sa tatlong wika. Naituro na ang paksa sa L1 bago ituro sa L2 at L3. Isang leksyon, tatlong wika.

      2. Ang nagtuturo ng L2 sa L1 ay native speaker ng L1.

      3. Kung ang bridge sa L3 ay diretso mula sa L1, ang nagtuturo ng L3 ay kailangang native speaker ng L1. Sa puntong iiwanan na ang L1 (Grade 5?), L2 ang tulay.

      Isang mungkahi, kung mamarapatin. Isa sa magagandang ideya ni Dr. Nolasco ang isang pambansang ortograpiya. Sa aking palagay, isa ito sa mga proyekto na mainam isampa sa itaas ng listahan. Ang batayan ng ortograpiya ay ang morpoponolohiya ng mga wikang Pilipino (hindi ng isang partikular na wika). May sapat na pagkakahawig ang morpoponolohiya ng ating mga wika para makabuo ng isang sistema na hindi naman masyadong maiiba sa ginagamit natin, at maaari rin naman na igutan ang pagpapatupad para hindi makaabalang masyado. May maiiba sa ating mga kinasanayan, sigurado. Mangangailangan ng kaunting sakripisyo ang mga marurunong nang bumasa at sumulat. Sakripisyo para kangino? Para sa mga batang magsisimulang mag-aral bumasa at sumulat.

      Muli, salamat sa pagbasa.

      Resty

  2. Dear Manong Resty,

    Matiyaga kong binasa ang mga sinulat mo. Dios ti agngina! Salamat! Sa isang simpleng guro na tulad ko, naisip ko na malayo pa ang lalakbayin ng MTBMLE. 🙂
    Hindi po ako mahilig sa beer, puwede malamig na coke na lang?
    Looking forward to reading more of your thoughts.

    May 🙂

  3. Manang May,

    Kung tama ang mapa at malinaw sa ating isip ang patutungahan, at may paraan tayo para malaman kung nasa tamang daan tayo o hindi (baka nahulog na tayo sa ilog at inaanod na tayo sa dagat ay hindi pa natin alam), makararating din!

    Basi na hindi masyadong matamis, ayos na!

    Resty

  4. Resty,

    Napakarami ko nang natutuhan sa pagbabasa ng mga paliwanag ninyo. Napansin ko lamang na ang pagsusuri ninyo sa pagsubok na nasa ating harapan sa ngayon ay nagmumula sa pananaw na lingguistiko na alam nating lahat na napakahalaga. Isa sa aking hamak na maipapayo ay medyo gawin nating interdisciplinary ang pagtalakay. Hindi po ba mahalagang isali ang mga sumusunod na mga paksa:

    1) pagtanaw sa social status ng wika (Trueba; Moll; Cummins; – ano ba talaga ang pananaw ng masa tungkol sa wika na makakatulong sa kanila – trabaho, kursong pag-aaralan, paghanga sa literatura, etc.

    2) curriculum at instruction na gagamitin – kailangan ba nating magkaroon ng standards o dito lang ba sa ibang bansa angkop ito? Yong tinatawag na dual immersion ay operational na sa amin. Napaganda kung tayo sa Pilipinas ang magsasagawa ng triple language immersion program na iminumungkahi ninyo. Sa amin may mga standards na, iba’t ibang antas ng pag-unlad, may mga aklat, at sinasanay ang mga guro sa pamantasan upang magkamit ng sertipiko, etc.

    3) teacher education – napakahalagang sangkap upang maging matagumpay ang pagtuturo ng wika. Hindi dahil nakakapagsalita ang isang tao ng wika ay dalubhasa na siya sa pagtuturo nito. Malalim ang pag-aaral ng wika. Ang paniniwala ko ay di lang ito isang lingguistikong bagay, sosyal, kultural, sikolohiya, at historikal din ito, etc.

    4) Paggawa ng mga aklat na may gabay mula sa pagiging bagito sa paggamit ng wika hang gang sa paggamit ng wika sa gawaing pang-akademika.

    Gumagabi na dito sa amin. Hanggang dito na lang muna.

    Hanggang sa muli,

    Jose

  5. Naimpress po ako sa daloy ng palitan ng opinyon o kuro. Ako rin po ay isang guro sa Wika, nagtuturo po ako ng Filipino I sa mga hayskul. Nagnanais din po ako na makakuha ng masteral sa Filipino subalit naguguluhan ako sa kung saang anggulo ako magtutumuon, kumbaga di pa man ako nakapagsisimula ay inaaalala ko na kung ano ang aking pagtutuunan. Sa aking mga nabasa parang nagkaroon ako ng interes sa MLE na siyang pangangailangan ng mga mag-aaral namin dito sa amin sapagkat mula sila sa iba’t ibang lugar at may kanya-kanya silang pananalitang ginagamit ( Ifugao, Ilokano, Igorot, Tagalog, Gaddang at iba pa )
    Salamat po at naway maka- ugnayan ko pa kayo muli.
    Gabayan kayo ng Panginoon.

  6. Sir Resty,

    natutuwa po ako sa yaman ng kaisipan na ibinabahagi ninyo sa bawat posts ninyo. interesado po akong talaga kung paano nga maisasagawa ang pag-aaral ng L1, L2 at L3. may modelo po kayong binabanggit; mukhang nakakatakam subukan. kailangan po sigurong mag-survey ng mga gurong may kakayahan sa iba pang wika liban sa Tagalog, sa Tagalog at sa Ingles. naiisip ko po sana ay magkaroon din ng yunits para sa pag-aaral ng iba pang pangunahing wika sa Pilipinas. sa ganito pong paraan, mauunawaan ng mga Tagalog (lamang ang alam) ang bigat at hirap ng pag-aaral ng Tagalog/Filipino ng mga hindi Tagalog. Bigyan din sila ng exposyur upang mapakinggan ang tunog at hagod ng mga wikang iba sa alam nila.

    okey po sa akin ang MLE; hindi ko lang po talaga ma-imagine sa ngayon kung paano ito maisasagawa nang marangal at kapaki-pakinabang.

    salamat po ulit sa inyong mga ibinahagi.

  7. nakakatuwang malaman na sa wakas ay nakikita na rin natin hindi lang ang ganda ng ating mga wika kundi ang kanilang silbi sa edukasyon at sa lahat ng aspeto ng ating buhay. gayun pa man, nakakalungkot din isipin na hindi lamang ang mga bata ang dapat na turuan ng tungkol sa ating wika at kung paano gamitin ito ng wasto. sa aking pagsaliksik sa mga klase ng elementarya dito sa amin, maraming guro ang hindi rin alam gamitin ng tama ang aming wika.

Leave a reply to Lalas, Jose Cancel reply