Talumpati ni Kong. Magtanggol Gunigundo I sa MTBMLE2

Rep. M. Gunigundo I

Keynote na Talumpati ni Kong. Magtanggol
Gunigundo I 
sa 2nd Philippine Conference
Workshop on Mother Tongue-Based
Multilingual Education
Iloilo City, Peb. 16, 2012

m

Isang Maginhawang araw sa inyong lahat!

Maayong Adlaw! Bugal ko gid ang pagdala sang mensahe sa sini nga Mother Tongue Conference.  Magbuligay kita tanan para makuha naton ang kaalam gikan sa  pagtudlo sa mga eskwelahan. Ang pag-edukar sang mga tawo amu gid lang ang paagi para dulaon ang dako nga agwat sa tunga sang manggaranon kag imol diri sa aton banwa.

Sa darating na Martes, ika-21 ng Pebrero 2012, ipagdiriwang natin ang Pandaigdaigang Araw ng mga Wika o International Mother Language Day.

Sa araw na iyon ay ginugunita natin ang pagpapakasakit ng mga bayani sa Bangladesh na nag-alay ng kanilang buhay noong 1952 para sa kanilang karapatang pangwika. Ito ang nagpasiklab sa isang digmaan na humantong sa pagkakatatag ng bansang Bangladesh na dati’y sakop ng Pakistan.

May 13ng taon na mula nang ideklara ng UNESCO ang espesyal na araw na ito upang itanghal ang dibersidad ng wika at kultura ng mga mamamayan ng buong daigdig.  Ang tema para sa taong ito ng Pandaigdigang Araw ng mga Wika ay:  Languages and Inclusive Education.

Ang temang ito ay maikakabit natin sa Millenium Development Goal No. 2 na “universal primary education” na sinasali ang lahat ng batang Pilipino sa sistema ng edukasyon ano man ang kanyang wika, kultura ,relihiyon o katayuan sa buhay.

Napapanahon at makabuluhan ang nasabing paksa para sa ating mga Pilipino.  Napapanahon sapagkat sa darating na Hunyo 2012 ay ipapatupad ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd  ang bagong kurikulum sa K-12. Makabuluhan sapagkat gagamitin bilang midyum ng pagkakatuto ang unang wika ng mga mag-aaral gaya ng Tagalog, Sugbuanong Binisaya, Ilokano,  Hiligaynon at Bikol.  Nakatakdang ipatupad ang programang K-12 at MTBMLE sa antas Grade 1 at sa antas Grade 7 sa buong kapuluan.

Kahanga-hanga at kamangha-mangha ang tulin at sipag ng ating kaguruan at ng DepEd sa pangunguna ni Kalihim Armin Luistro upang isakatuparan ang sampung-puntong agenda ng ating Pangulong Aquino para sa batayang edukasyon.  Gayunpaman,  hindi ko maiwasang mangamba sa kahandaan, kakayahan at kalooban ng nakatataas na pamunuan ng DepEd upang gawing masaklaw at panlahat ang edukasyon gaya ng naipangako ni Pangulong Aquino.

Nararamdaman ko ang malakihang pag-aatubili at mabuway na paninindigan  sa hanay ng pamunuan ng DepEd hinggil sa MTBMLE. Patuloy pa rin silang kasal sa kasalukuyang kalagayan at hindi nila alintana ang panganib na idinudulot nito sa pagaaral ng  mga bata. Balewala sa kanila na ang bunga ng ating mga paaralan ay kulelat sa pandaigdigang  pamantayan at pagsusulit sa literasiya.

Hinihimok ko si Bro Armin Luistro at ang kanyang pamunuan na masinsinang pagmasdan ang mga pangyayari at mga kalagayan sa labas ng kanilang opisina at matamang pakinggan ang hinaing ng mga batang mag-aaral kung gaano kahirap unawain ang mga  aralin dahil hindi nila alam ang wikang ginagamit ng guro sa pagtuturo at pagsusulit. Suriin din nila ang hirap ng mga guro na magturo ng aralin sa wikang hindi sila bihasa.Ang mga gurong may malasakit sa mag-aaral ay pinipilit ituro muli ang leksyon sa wikang nauunawaan ng mga bata.

Ang ating mahabang paglalakbay sa landas ng pagbabago sa edukasyon ay umuusad na. Mula pa noong 2008 nang ating inihain ang panukalang batas sa MTBMLE sa Kongreso ay maraming lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao ang ating naabot upang mapukaw, mapakilos at maorganisa ang ating mga guro at lokal na pamahalaan para sa simulaing MTBMLE.   Ang kampanyang ito ay nagresulta sa pagpapatibay ng Department Order No. 74, serye ng 2009, na bumabawi sa edukasyong ”bilingual” at nagpapasinaya naman sa edukasyong mulitilingual.

Gusto kong puriin ang mga guro at opisyales ng DepEd sa Valenzuela sapagkat nangahas silang mag-eksperimento sa paggamit ng L1 bilang midyum ng pagtuturo.  Nakabuo na sila ng Tagalog Primer at mga curriculum guides para sa Grade One.  Mahigit na 50ng bigbooks at small books ang kanilang nabalangkas.  Patuloy nilang pinupulido ang metodolohiya nila sa pagtuturo.   Nagsanay na rin sila sa test construction na napakahalaga upang madaling mabatid kung ano ang natutuhan at hindi natutuhan ng bata sa kanilang mga leksiyon.  Nagpaluwal na si Gng. Gunigundo ng kulang-kulang sa kalahating milyong piso sa mga pagsasanay ng mga guro sa Valenzuela. Sa kanyang pananaw, ito’y puhunan, hindi gastos, na pangmatagalang mapapakinabangan hindi lamang ng mga guro kundi pati ng kanilang mga mag-aaral.

Ang aral dito ay simple lang, napakaraming mga guro sa Dep Ed na nag-hihintay lamang ng berdeng ilaw upang makapag-ambag sila sa ating pagpupunyagi na magkaroon ng isang mahusay na edukasyong panlahat sa ating bansa. Hindi dapat silang supilin ng mga nakatataas na pamunuan ng DepEd. Hindi dahilan ang kawalan  ng MA o PHD para isantabi ang mga mungkahi at angking galing ng mga pangkaraniwang guro. Tandaan ninyong ang mga ibon ay hindi kailangang mag- aral ng arkitektura para makagawa ng pugad bahay nila.

Education is too important to be left solely to educators.( with PHD’s….121’s paraphrase) Francis Keppel (1916–1990) American educator, U.S. Commissioner of Education (1962–1965).

Ang in-service training ng DepEd ay dapat sabayan na rin ng pre-service training ng mga pamantasan at  unibersidad na nagtuturo ng kursong edukasyon upang maging handa ang mga bagong titser sa kaayusang MTBMLE.

Kung may konting batikos , may katambal namang itong pagpuri sa DepEd.

Binabati ko ang DepEd sa pagsusumikap nilang tapusin ang bagong kurikulum para sa lahat ng asignatura sa pagtatapos ng buwang ito.  Tampok sa bagong kurikulum ang bagong asignaturang makikilala bilang “unang wika”. Ambisyoso ang plano na sanayin sa bagong kurikulum at bagong metodo ang mga nakatakdang magturo sa Grade 1 at Grade 7.   Inaapura ang mga materyales sa hindi kukulangin sa sampung wika ng mga mag-aaral.

Ipinagmamalaki ng mga awtoridad na ang kurikulum K-12 ay nakabatay sa pananaliksik.  Maaaring may katotohanan ito.  Subalit may ilang aspekto nito na nakakabahala sapagkat tuwirang sumasalungat sa kasalukuyang mga pag-aaral tungkol sa mabisang patakaran sa wika-at-edukasyon.

Halimbawa, ang bagong kurikulum ay nagtatadhana ng paggamit ng unang wika hanggang sa ikatlong baitang lamang o Grade 3.  Pagdating sa Grade 4, ang mag-aaral ay ililipat nang walang kaabug-abog sa Ingles at Filipino nang walang transisyon man lamang.

Nais kong itanong sa DepEd : Bakit po masamang gamitin ang unang wika sa pagtuturo at pagsusulit ng anim na taon hanggang Grade 6 o 7?  Mayroon po bang mga pananaliksik na nagsasabing mali ang hinuha o konklusyon na higit na mainam ang long-exit mother tongue based program kaysa sa early exit program na nakapaloob sa K+12? Ang pagpapatupad ba ng MTBMLE hanggang Grade 3 lamang ay sanhi ng mahigpit na pagtutol ng mga publishing houses na nagbebenta ng mga textbooks sa Ingles at Filipino?

Mali po ba si Tove Skutnabb-Kangas na mariing sinasabi na ang anim na taon na edukasyon sa L1 ay ang absolute minimum para makamtan ang pinaka-optimum na resulta ng edukasyong L1 pero mas mahusay pa rin kung mapalawak ito hanggang walong taon?

Sa Ethiopia,  ang mga batang may walong taon ng edukasyon sa L1 at nag-aral ng wikang pambansa at Ingles bilang mga asignatura ay siyang nakapagtala ng pinakamatataas na iskor sa siyensiya, matematika at Ingles.  Yaong dumaan sa anim na taon ng edukasyong L1 ay hindi kasinghusay.  Iyong lumipat kaagad sa Ingles ay siyang pinakamababa ang mga iskor.

Ayon naman sa pag-aaral na ginawa ng isang propesor sa UP College of Education,  ang tinatawag na academic proficiency sa nakasulat na Filipino ay nararating sa Grade 6.  Samakatwid, kahit sa tinatawag nating wikang pambansa ay nangangailangan ng anim na taon man lamang upang maging bihasa sa nakasulat na pakikipagtalastasan.

Gusto ko pong gamitin ang sinulat ko kamakailan tungkol sa ugnayan ng pasalitang wika sa literasiya:

The challenge of language-minority students in the US who cannot read and write proficiently in English led the US Department of Education in 2002 to create a panel to address this problem.  One of the panel’s major findings is that oral proficiency and literacy in the L1 is a crucial determinant for literacy in English.   Instruction in the other key components of reading is necessary—but not sufficient—for teaching language minority-students to read and write proficiently in English.

The research suggests that the disparity between the word-level and text-level (comprehension) skills of non-native and native English learners can be traced to the difference in their oral language proficiency.  Oral proficiency in English is not a strong predictor of English word-level skills among non-native English speakers, but is strongly associated with comprehension and writing skills for these students.

Nakasaksak pa rin sa isipan ng marami  na asignaturang Language Arts ay nangangahulugan ng pag-aaral ng wikang Ingles, samantalang sa maraming mauunlad na bansa ay itinuturo ang wikang Ingles bilang isang foreign o banyagang wika.

Sa maikling salita, kailangan nating iwaksi ang dating reading-based L2 na kurikulum na hindi angkop sa mga mag-aaral na wala pang pasalitang kasanayan sa kanilang L1.  Ang paglilinang ng kasanayan sa pagbabasa at pagsusulat sa L1 at L2 ay nakabatay sa pagpapaunlad ng wikang pasalita ng mga bata,  una muna sa kanilang L1,  at pagkatapos sa kanilang mga L2.   Ang hakbang-hakbang na pagpapaunlad ng mga kakayahang pangwika ay siyang susi upang magamit nila ang L1 at L2 para talakayin ang mga paksang akademiko na siyang kailangan upang magtagumpay sa paaralan.

Madalas banggitin ng DepEd na ang layunin ng pagdadagdag ng dalawang taon sa kasalukuyang education cycle ay upang i-decongest ang kurikulum.  Kung ito lamang ang dahilan sa pagdadagdag ng dalawang taon, ikinalulungkot kong sabihin na hindi ito sapat at nakakukumbinsing dahilan.  Gusto kong isipin na kaya natin dinadagdagan nang dalawang taon ang  kasalukuyang 10ng taon ay sapagkat gusto nating magbuo ng bagong kurikulum batay sa bagong perspektiba ng pagtuturo sa L1.  Kung dadagdagan natin ng dalawang taon ang mataas na paaralan nang hindi binabago ang kurikulum ay huwag na lang.

Hayaan ninyong ulitin ko ang naisulat ko ilang buwan na ang nakakaraan kung paano natin mabubuo ang isang kurikulum na K-12 na makakatulong upang makamit ang mahusay na edukasyong panlahatan.

(1) The curriculum should underscore the goal of basic education as learning to read, speak, write and think fluently in the L1 on academic topics in pre-school and throughout the elementary grades.  In contrast, the old system recognizes the acquisition of English and Filipino as the first priority in judging children’s achievement.

(2) It should recognize that oral language development is a prerequisite for both L1 and L2 literacy.   The old approach has been to teach English and Filipino as if these were the L1 of most Filipino learners.  As many educators have said, we don’t learn an L2 by learning to read that language.  Building L2 comprehension and teaching children how to verbally respond appropriately in the L2 should be the focus of L2 learning in the early grades.

(3) It should affirm that creating a strong foundation in the L1 requires at least six years of formal schooling in the L1 as LOI (but 8 years is better).   It should also provide for the L1 as a subject all the way up to the secondary level, rather than up to Grade 3, as amply shown in the Singaporean and Malaysian model.

(4) It should reinstate science as a separate subject beginning Grade 1, instead of merely integrating science concepts into the English or Makabayan subjects.

Bukod sa mga ito, gusto kong sang-ayunan ang mungkahi ng mga eksperto na purgahin ang kurikulum ng sobrang maka-Ingles na pananaw-sa-daigdig na nagsisilbing sagabal sa pagkatuto ng mga batang Pilipino at nagtuturo sa kanilang hamakin at ikahiya ang sarili nilang wika at kultura.  Ang patuloy na integrasyon ng mga konsepto ng siyensiya sa asignaturang Ingles ay latak ng luma at bigong bilingual na edukasyon.  Kailangang mulat na ipasok sa bagong kurikulum ang ideolohiya at kalinangan ng mga pamayanan ng mga mag-aaral, kung saan ang mga konsepto ng siyensiya, matematika at araling panlipunan ay itinuturo batay sa kultura, wika at konteksto ng lokal na pamayanan.  Ang mga halimbawang de kahon at dayuhan gaya ng mga oso, mga zebra, mga Little Red Riding Hood ay kailangang palitan na, at magbigay-daan sa,  lokal at katutubong mga kaalaman at kontexto.

Ang ganitong mga kahinaan sa kurikulum ng K-12 ay nagpapatunay lamang na kahit na mayroon na tayong komitment sa paggamit ng unang wika sa edukasyon ay minumulto pa rin tayo ng ating mga lumang kaugalian at pamamaraan.  Hindi po tayo makahulagpos sa ating mapait na nakaraan at karanasan sa edukasyong bilingguwal.

Sa madaling sabi, kailangan nating ganap na talikuran ang mga lumang modelo ng submersion sa edukasyon ng mga batang Pilipino.  Sa ilalim ng modelong ito, sinasanay ang mga bata na memoryahin at gayahin ang mga turo ng kanilang mga guro nang hindi nauunawaan ang kanilang mga isinasaulo.  Napakalaki ng pinsalang dulot ng submersion  sa pag-aaral ng batang Pilipino.

Sa pagwawakas,  nais kong iwan sa inyo ang ilang makabuluhang pahayag buhat sa tanyag na mga pantas at manunulat.

The aim of education should be to teach us rather how to think, than what to think – rather to improve our minds, so as to enable us to think for ourselves, than to load the memory with thoughts of other men.  —Bill Beattie

It is possible to store the mind with a million facts and still be entirely uneducated.—Alec Bourne

An education isn’t how much you have committed to memory, or even how much you know.  It is being able to differentiate between what you do know and what you don’t. –Anatole France

Education … has produced a vast population able to read but unable to distinguish what is worth reading.–G. M. Trevelyan (1876-1962) British historian

We are shut up in schools and college recitation rooms for ten or fifteen years, and come out at last with a bellyful of words and do not know a thing.–Ralph Waldo Emerson (1803-82) U.S. essayist and poet.

Pinapupurihan natin si Pangulong Aquino sa kanyang 10ng puntong agenda sa edukasyon na sinisikap ipatupad ni Kalihim Bro. Armin Luistro. Ipinagbubunyi natin ang mga hakbang na ginagawa ng mga rehiyon, probinsya, lungsod at bayan upang maging handa ang mga guro sa pagpapatupad ng MTBMLE sa darating na Hunyo, 2012.   Sinasaluduhan natin ang mahigit na 80ng na mga kongresista ng na nagsusulong ng HB 162.

Subalit hindi tayo dapat maglubay.  Mahaba pa ang landas na ating tatahakin bago natin marating ang isang mahusay na edukasyong panlahat na tinuturuan ang bata kung paano mag-isip at maging handa na maghanap ng lunas sa mga suliranin sa buhay sa 2024 pasulong. Sa unang tingin, napakalaking pera, tulo ng pawis at pagod, sama ng loob at pighati ang ating pupuhunanin upang makamit  ang isang mahusay na edukasyong panglahatan. Ngunit ito ang ating kailangang gawin upang mapatatag at mapalakas ang Pilipinas.  Kaya nga sa kabuuan, maliit lamang ang puhunang ito kung ikukumpara sa dambuhalang pinsala sa ating lipunan at bansa na dulot ng kamangmangan bunga ng ating kasalukuyang sistema sa edukasyon

Ang panahon na ating  kailangang gugulin sa pagbabago upang makamit ang isang mahusay na edukasyong panglahatan  ay mananatiling kawili-wili dahil alam ng kapulungang ito na  UNA ANG BATA SA UNANG WIKA NIYA!!! (3x)

MADAMO GID SALAMAT SA INYONG TANAN!!!

MARAMING SALAMAT PO!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s